Tila isa kang libro, biglang lumitaw sa tabi ng puso ko
Walang pasabi, bigla na lang may kabanata ka sa buhay ko
Parang sinabi ng mundo, “O, eto oh, basahin mo ‘to”
At mula noon, hindi na kita kayang ilapag kahit minuto
Hindi ka basta kwento, may lambing sa bawat pahina mo
May halong kilig at tuksong ako lang ang nakakaintindi dito
Bawat linya mo, parang biro na ako lang ang tinutukoy mo
At bawat huling salita, parang imbitasyong magbukas pa ng bago
Umaga pa lang, ikaw na agad ang laman ng isip ko
Kape sa kamay, pero pangalan mo ang inuuna kong isubo
Parang kahit inaantok, bubuksan ko lang para makita ang ngiti mo
At biglang gumagaan ang araw, kahit di pa nagsisimula ang gulo
Sa tanghali, tumatakas ako para lang makasilip sa’yo
Kahit ilang linya lang, sapat na para ma-refresh ang mundo ko
Tapos sa gabi, ikaw pa rin ang huling yakap ng mata ko
Hawak ang bawat salita mo hanggang dalawin ako ng tulog ko
Bawat oras, lalo lang akong nahuhulog sa sulat mo
Parang bawat letra, may sariling bitag para sa puso ko
At kahit alam kong nahuhuli na ako sa ibang plano ko
Pipiliin ko pa ring magbabad sa init ng kwento mo
Hanggang dumating ang pahina na tumahimik ka bigla
Wala na ‘yung halakhak, ‘yung kilig, ‘yung dating saya
Nakatitig lang ako sa blangkong papel na wala nang katha
At naisip ko, paano ko nga ba isasara?
Binalikan ko ang masayang kabanata, pero iba na ang lasa
Parang paboritong ulam na ngayon ay may halong alat at luha
Ikaw na dati’y musika, ngayo’y tunog ng katahimikan sa kanto ng alaala
At kahit pilit kong iwasan, paulit-ulit bumabalik sa’yong mga pahina
Ibinaba kita, pero parang may ugat ka sa palad ko
Kahit sa istante, bigla kang bumubukas sa hangin ng kwarto
May mga pahinang pilit nilalampasan ng mga mata ko
Pero bago ko malaman, nandun na ulit ako sa gitna mo
Gusto ko sanang magbukas ng isa pang librong bago
Pero lahat ng kwento’y parang may anino ng pangalan mo
Kahit ibang libro, tinig mo pa rin ang naririnig ko
Dahil sa lahat ng nabasa ko, sa’yo ko lang natagpuan ang buong ako