Live.Love.Lenna

Sabado, Marso 31, 2012

Sino nga ba Si Rizal?

:  Isang Pag-aanalisa sa Pagkabayani ni Jose Rizal 


Si Jose Rizal, ang pambansang Bayani ng Pilipinas. Si Jose Rizal na nagmulat sa kamalayan ng mga Pilipino laban sa mga Español. Si Jose Rizal na nagpaalab sa damdaming makabansa ng mga Pilipino. Si Jose Rizal na isang napakatalinong Pilipino. Si Jose Rizal na “idol” ng mga Katipunero.

Ilan lamang iyan sa mga namulatan kong katangian ni Dr. Jose Rizal. Ang mga iyan ang itinatak sa aking isipan, una ng aking pamilya, sumunod ang paaralan at ng lumaon ay ang buong lipunan. Kilala si Rizal ng bawat Pilipino maging sa mumunting edad pa lamang dahil sa piso kung saan nakatatak ang kanyang pangalan at mukha. Ang mga nabanggit sa taas ay ang pagkakakilala rin ng mga ordinaryong Pilipino kay Rizal. Ngunit mayroon pa ring isang matunog na pangalan ang tumatak sa aking murang isipan- si Andres Bonifacio. Bukod sa pagpapakilala kung sino ang pambansang bayani, ipinakilala rin sa akin ng aking ama kung sino raw ang nararapat na may hawak ng titulong iyon. Bata pa lamang ako ay iniukit na ng aking ama sa aking isipan na si Andres Bonifacio ang nararapat na maging pambansang bayani dahil siya ang namuno ng rebolusyon sa Pilipinas at dahil siya ay namatay sa kalagitnaan ng pakikipaglaban para sa kalayaan.

Ang akdang Veneration without Understanding ni Renato Constantino ay nagpalalim pa ng aking aprisasyon sa pagkabayani ni Bonifacio. Inilahad ng artikulo ang mga patunay na hindi nararapat si Rizal sa titulo ng pagiging pambansang bayani.  Sa tuwing napag-uusapan ang kabayanihan ni Rizal, lagi kong naisip kung bakit nga ba hindi siya sang-ayon sa madugong rebolusyon. Sa aking napanood na pelikulang Jose Rizal na pinagbidahan ni Cesar Montano, ang kanyang pagpapaliwanag kung bakit siya ay hindi pabor dito ay hindi pa tamang panahon. Lumayo pa ang aking pag-iisip, kung hindi siya namatay kaagad, ano kaya ang tamang panahon na hinhangad ni Rizal? Ano kaya ang kanyang indikasyon na magsasaad na panahon na ng rebolusyon? Tunay nga bang may hinihintay siyang tamang panahon? o sadyang naruruwag lamang siya dahil maaaring ang lider ng rebolusyon ang kilalaning pambansang bayani at hindi siya? Naruruwag ba siya na baka pagkatapos ng lahat ng kanyang pinaghirapan upang makamit ang inaasam na parangal bilang pinakadakilang bayani ng bansa ay iba lamang ang makinabang nito- hindi siya kundi ang lider ng rebolusyon?

Malaki ang kontribusyon ni Rizal sa pagpapamulat sa kamalayan ng Pilipino ukol sa opresyon na ginagawa ng mga Español maging sa pagpapaalab ng ating damdaming nasyonalista sa pamamagitan ng kanyang mga obrang Noli Me Tangere at El Filibusterismo, at iba pang mga akda. Marahil isa ito sa malalaking mga basehan sa pagturing kay Rizal bilang pambansang bayani. Kaugnay nito, isang malaking rebelasyon sa akin ang inilahad ni Constantino sa kanyang akda na ang mga Amerikano pala ang nagsuhestyo sa kanyang pagiging pambansang bayani. Sumasang-ayon ako kay Constantino na ang pambansang bayani ay yaong mga taong nakipaglaban para sa kalayaan ng bansa at naging aktibo sa rebolusyong nasyonal. Ito ang isa pang nagpapagulo sa pagkakakilala ko kay Rizal. Kung tunay niyang mahal ang Pilipinas at ang mga Pilipino, bakit hindi kalayaan ang hinihingi niyang pagbabago mula sa España? Hindi ba’t kung mahal mo ang isang bagay ay hindi mo ito hahayaang maagaw, maapakan at maapi ng kahit sinuman; at kung nakikita mong nasasadlak ito sa kahirapan at pang-aapi ay itutulak mo papalayo ang mga taong nagdudulot ng pighati dito. Ang nilayon ni Rizal ay maging pantay ang mga Pilipino at mga Español- hindi mismong independyente mula sa kanila. Sa kanyang nobelang El Filibusterismo, nakikita ko si Rizal sa karakter na si Basilio. Si Basilio na isang binatilyong Pilipino na nais magkaroon ng paaralan para sa kapwa niya Pilipino; paaralan na kung saan makakapag-aral sila ng Wikang Kastila. Ang paaralang ito ang magpapantay sa kanila sa mga Español.

Nabanggit rin ni Constantino na upang maisalba ni Rizal ang kanyang pangalan mula sa pagkakadawit sa Katipunan ay nagsilbi siya sa Cuba para sa serbisyo sa España. Kung nabubuhay si Rizal, ano kaya ang kanyang magiging paliwanag dito? Sa El Fili, ang bidang tauhan na si Simoun ay nagsilbi para sa Gobernador-Heneral at pailalim nitong sinisira ang imahe ng pamahalaan upang magsiklab ang damdaming makabansa ng mga Pilipino. Hindi ko maisip ang pagkakaugnay ang karakter ni Simoun sa ginawang pagsalba ni Rizal sa kanyang pangalan. Ngunit marami pang katanungan ang pumailanlang sa akin mula sa pagbasa ng karakter ni Simoun. Maaari kayang ang matapang na pagharap ni Rizal sa kamatayan sa kamay ng mga Español ay paraan niya upang pasiklabin ang damdaming makabansa? At isa rin kaya ito sa mga paraan niya upang makamit ang pagiging Pambansang Bayani?

Ang pagtatalaga kay Rizal bilang pambansang bayani ay wala sa aking pagpapasya. Ang pagtatalaga ng ating Pambansang Bayani, kahit sinuman ito, ay nakasalalay sa opinion ng nakararaming Pilipino. Nawa nga lang ang opinyong ito ay base sa masusing pag-aanalisa at pagkilala sa taong pinag-aalayan natin ng karangalan. Naniniwala ako na ang Pamansang Bayani ay isang taong totoo sa kanyang bansa at sa mga salitang kanyang binibitawan. Ang pagiging Bayani ni Rizal ay wala sa aking paghuhusga- ito ay aayon sa taong bumabasa sa kanya at sa kanyang mga nagawa.



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento