Ang pagsasalita ng walang sapat na batis at basehan ay hindi
lamang kapalaluan o kapangahasan kundi kamangmangan. Pagkatapos kong basahin
ang ilan sa mga akda at mga liham ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose
Rizal, nabago ang aking oryentasyon sa pagkakakilala sa kanya. Hindi nabago sa
paraang mula sa pangit na imahe ay naging maganda ang pagtingin ko sa kanya.
Noon pa man ay may respeto na ako kay Dr. Rizal ngunit ang pagbabasa ng kanyang
mga akda ay nagpalawak sa angulong tinitingnan ko sa kanyang pagiging
pambansang bayani. Sa lahat ng kanyang mga akda, ang Tungkol sa Katamaran ng mga Pilipino, ang pinakatumatatak sa
akin.
Ang Isang Bayani ay may Pagpapahalaga sa Mayamang Nakaraan
Sa akdang ito, nagpakita si Rizal ng kaunting kasaysayan ng
Pilipinas bago dumating ang mga Espanyol. Saludo ako kay Rizal sa pagsusulat ng
artikulo na may sapat na basehan at batis. Saludo ako sa kanya dahil naglaan
siya ng panahon upang maihayag ang pamumuhay ng ating mga ninuno bago dumating
at noong kadarating pa lamang ng mga Kastila. Inalis ng mga Espanyol ang
mayamang kultura at pamumuhay natin sa isipan ng ating mga ninuno ngunit ang
akdang ito ay hinahayaan tayong sumilip sa produktibong nakaraan ng ating mga
ninuno. Ang karaniwang bayani ay nakikipaglaban sa kalayaan at kapakanan ng
kanyang bansa, si Rizal naman ay sinisigurong ang mayamang pinagmulan ng ating
bansa ay hindi makalimutan ng susunod na henerasyon sakaling makamtan muli ang
kalayaan.
Napatunayan ko na ang bansag na pambansang bayani kay Dr.
Rizal ay hindi lamang dahil sa kanyang pagkamatay para sa bansa kundi dahil
nabuhay rin siya para sa bansa. Ang pagsulat ng ganitong mga akda ay isang
magandang pamana sa mga susunod na henerasyon. Hindi na ako nagtataka na siya
ang pinakapipitagang bayani dahil ang kanyang mga akda ay hindi lamang
nagpapasaring sa gobyerno ng Espanya, kundi pati na rin, nag-aangat ito sa
pagpapahalaga sa ating mga sarili− pagpapahalagang hindi galing sa puri ng mga
tagalabas kundi mula sa ating sariling kasaysayan. Maganda itong basahin ng
kabataan lalo na ngayong karamihan ay iwinawaksi ang kanilang Pilipinong
identidad.
Balanseng pagsusulat
Inilahad ni Rizal ang mga sanhi ng pagiging tamad
ng mga Pilipino; ang karamihan sa mga sanhi at dahilan na ito ay ibinibigay ang
sisi sa ating mga mananakop. Magkagayunman, sa bandang huli ng kanyang akda ay
binanggit niya pa rin na may kasalanan pa rin tayo sa paglaganap ng katamaran.
Hindi nilimita ni Rizal ang sisi sa mga Epanyol upang gawing kampante ang mga
Pilipino na walang silang ginagawang masama. Habang iminumulat niya ang mga
Pilipino sa mga kasamaan ng mga Espanyol na nagdulot ng katamaran, hindi pa rin
niya nalimutang banggitin ang kontribusyon ng mga Pilipino sa pagpapanatili ng
ganitong sistema ng lipunan. Hindi siya one-sided
kumbaga.
Bakit HINDI TAGALOG?
Isang mahalagang konsiderasyon sa
pagsusulat ng akda ay ang mga mambabasa nito. Sa kapanahunan ni Rizal,
kakaunti lamang ang ang nakakaintindi at nakakabasa ng wikang Espanyol. Ang
karamihan ng akda ni Rizal ay orihinal niyang isinulat sa banyagang wikang ito.
Dahil dito lumalabo ang pagbasa ko sa akda niyang Tungkol
sa Katamaran ng mga Pilipino. Marahil ay isinulat niya ang akdang ito
upang sagutin ang mga pangungutya ng mga Kastila sa mga Pilipino tungkol sa
katamaran ng mga ito. Naiintindihan ko na hirap si Dr. Rizal sa pagta-Tagalog
ngunit ang liham na ginawa niya para sa kadalagahan ng Malolos ay pinilit
niyang isulat sa Tagalog. Ginawa niya marahil ito upang siguraduhing
maiintindihan siya ng kadalagahan sa Malolos. Ang Tungkol
sa Katamaran ng mga Pilipino, sa palagay ko, ay isang paglaban sa
paratang na ibinabato ng mga Espanyol. Sa paggamit niya ng wikang hindi naman
laganap na naiintindihan ng mga Pilipino noong panahong iyon, maaaring masabi
na hindi nakaukol ang akda upang mabasa ng madlang Pilipino.
Hindi natin malalaman ang katotohanan, ang kaya lang nating
gawin ay basahin at magbigay ng mga interpretasyon sa kanyang mga ginawa. Tama
man o mali, akma man o hindi ang kanyang mga ibinahaging pananaw sa kanyang mga
akda, ang pinakamahalaga ay basahin natin ang mga ito ng mayroong bukas na
isip. Gamitin, baguhin, pagyabungin ang kanyang mga ideya para sa ikauunlad at
muling pagbangon natin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento